top of page
Writer's pictureNC

Higit pa sa isang fan club: Cebu MNLoves at ang kanilang donation drive project



May ilang mga tagahanga ng MNL48 na ginawang tulay ang paghanga sa grupo upang magbigay ng kawang-gawa para sa higit na nangangailangan. Isa si Skip Goat sa mga nasabing tagahanga na nagbabahagi pa rin ng kawaggawa lalo na sa mga kabataan sa kanilang lugar.

Sa isang panayam sa PAKSA MNL, inilahad ni Skip Goat na isang Thanksgiving Party bilang pasasalamat sa pagkapanalo ni Aly Padillo noong ikalawang General Elections noong 2019 ang pinaplanong gawin noong una ng kanyang grupong Cebu MNLoves. Ngunit ayon sa kanya, sa huli ay napagdesisyunan ng kanyang mga kapwa tagahanga sa Cebu na maging Thanksgiving and Outreach project na lang ito, hindi lang para sa tagumpay na kinamit ni Padillo kundi bilang pag-alala sa mga umalis na kagrupo niya dahil hindi sila nakapasok sa nasabing eleksyon. “That was our way of showing how happy and sad we are because of the outcome,” wika ni Skip Goat.

Nagsimula ang kanilang proyekto noong Hulyo 13, 2019 ng nagbahagi sila ng tulong sa The Children of Cebu Foundation, Inc. kung saan nagbigay din sila ng oras upang mapasaya ang mga bata na nasa drop-in center ng nasabing non-profit organization sa Pari-an.

Ngayong taon ay binalikan nina Skip Goat at ang kapwa niyang mga miyembro sa Cebu MNLoves ang nasabing organisasyon upang bigyan ulit sila ng tulong lalo na ngayon ay humaharap sa krisis dulot ng Covid-19 pandemic ang buong bansa.

Sa kabila nito ay natuloy pa rin ang pamamahagi nila ng mga damit at groceries upang masustentuhan ang kakulangan ng pangangailangan sa mga kabataang naninirahan doon. Giit niya ay nakulangan ng tulong at suporta ang organisasyon dahil sa pandemiya. “As usual we donated supplies like rice and groceries para na din masustain ang mga need ng mga bata since kulang ang support nila due to pandemic,” sabi niya sa panayam.



Hindi bilang isang fan club kundi bilang isang komunidad

Sinabi naman ni Skip Goat na higit pa sa isang fan club ang Cebu MNLoves kundi isang komunidad na ang hangad ay makatulong sa iba na higit na kailangan nito, lalo na sa sitwasyon ng bansa ngayon, habang pinapakita nila na kaya nilang magtatag ng isang mabuting komunidad para sa mga tagahanga ng idol group. “In regard naman sa current situation, we're happy na nakatulong kami kahit paano doon sa mga most na need talaga yung tulong. Sa MNL48, it's one way of showing na we're growing in a much better community. Happy na kami na happy sila sa ginagawa namin,” sabi niya.

Dagdag din niya na itinuring niyang pamilya ang Cebu MNLoves lalo na at siya ay nag-iisa sa kanyang tinitirahan sa Brgy. Mabolo sa lungsod ng Cebu, at napakaswerte niya na makahanap ng mga taong may parehong interes sa lugar na hindi niya alam. “They're like a family to me, lalo na ako na wala kong pamilya dito sa Cebu, ako lang dito. They've made me feel like I'm their own brother,” wika niya.

Nagpayo naman siya sa kapwa niyang tagahanga ng MNL48 na patuloy nilang suportahan ang idol group sa kanilang mga proyekto. “Kita kita tayong lahat sa Araneta balang araw,” sabi niya.


(may kasamang ulat mula kay Reggie Abang)

51 views0 comments

Comments


bottom of page