Nile at Trish, opisyal na miyembro na ng MNL48
Inanunsyo ng HalloHallo Entertainment Inc. (HHE) na opisyal nang miyembro ng MNL48 ang dalawang natitirang kenkyuusei (KKS) or trainee na sina Nile Casitas at Trish Labrador.
Sa kanilang pahayag na inilabas sa MNL48 website at MNL48 Fanclub App nitong Agosto 4 (Martes), iniakyat na si Casitas at Labrador bilang pormal na miyembro ng idol group. Ang dalawa ay magiging parte ng Team NIV, kung saan papalitan nila ang mga dating miyembro na si Joyce Daita at Daryll Matalino.
Matatandaan na sa nagdaang taon ay naging parte ng Second Generation aspirants ang dalawa at naging kandidato sa Second General Election (GE). Bagamat hindi pinalad na makapasok sa Top 48 sa GE, sila ay nabigyan ng pagkakataon na maging KKS matapos nito. Sila ay naging parte ng ilang mga mall show bilang opening act sa senbatsu at nakapagtanghal rin sa serye ng “Party Ga Hajimaru Yo” theater stage noong Pebrero.
Ikinatuwa naman ng mga fans ang balitang ito, kung saan bumaha ang pagbati nila kay Casitas at Labrador sa pagiging ganap na miyembro ng MNL48.
“365 ANEP” music video, 1 milyong views na sa YouTube
Narating na ng music video ng “365 Araw ng Eroplanong Papel” ang isang milyong views sa YouTube noong umaga ng Agosto 4 (Martes).
Agad kumalat ang pasasalamat at pagbubunyi ng mga MNLoves sa social media matapos maabot ng music video ang milestone. Dahil dito, pang-anim na ang 365 ANEP music video sa listahan ng mga MNL48 music videos na naabot ang 1 million views.
Muling nabuhay ng interes ng fans sa 365 ANEP music video na likha ng 1421 Studios at direksyon ni Carlo Manatad matapos ito maging nominado sa 2020 MYX Music Awards sa kategoryang “Mellow video of the Year”. Ito rin ang huling pagkakataon na nasilayan sa isang music video ang lahat ng First Generation members ng MNL48 bago ang Second General Election kung saan nagkaroon ng forced eviction.
Limited edition “Stay at Home” photocards, inilabas
Hindi napigilan ng kasalukuyang quarantine period ang MNL48 sa paglalabas ng bagong merchandise nang ianunsyo nila ang limited edition na “Stay at Home” photocard series ngayong linggo.
Halaw sa naging pakulo ng mother group na AKB48, lumabas sa tradisyonal na seifuku at studio shoots ang mga miyembro at ipinakita ang kanilang galing sa pagkuha ng kani-kanilang mga litrato habang nasa bahay.
Agaran naming tinangkilik ng mga fans ang mga photocard na nagkakahalaga ng Php400 kada isang set at naglalaman ng limang magkakaibang larawan. Naubos agad ang unang batch nito sa loob lamang ng ilang oras na ikinagulat ng ibang mamimili. Agad namang nagkaroon ng restock at muli na itong mabibili mula sa MNL48 Online Store (https://mnl48-online-store.myshopify.com/products/mnl48-fashionably-safe-at-home-photocards).
VHSE members’ schedule, kasado na
Nakalinya na ang lahat para sa darating na High Tension Virtual Handshake Event (VHSE) sa Agosto 17-22 matapos ikasa ng HHE ang kumpletong time slot at schedule ng mga miyembro.
Sa pamamagitan ng social media announcements nitong Agosto 5 (Miyerkules), inilatag na ang mas komprehensibong schedule para sa VHSE eh. Bawat miyembro ay bibigyan ng isang oras na timeslot para sa kanilang handshakes gamit ang video conferencing app na Zoom.
Magsisimula ang unang batch ng handshakes sa ganap na ika-1 ng hapon. Tatagal ito hanggang sa ika-8 ng gabi maliban sa dalawang araw na aabot hanggang sa ika-9 ng gabi ang event. Pinaalalahanan rin ang mga fans na umantabay sa mga posibleng pagbabago sa schedule.
Comments