ICYMI YouTube channel, naglabas ng daluyong ng videos
Muling ginulat ng mga producers ng MNL48 documentary na "ICYMI: I See Me" ang MNL48 fan community sa paglalabas nito ng mga behind-the-scenes footage at iba't ibang video content sa nagdaang linggo.
Nagsimula ang serye ng mga video mula noong Hulyo 28 (Martes) nang ilabas sa YouTube channel ng ICYMI ang isang rehearsal video kung saan inawit ng mga piling miyembro ang "Talulot ng Sakura". Nagpatuloy sa pag-release ng mga video ang channel bawat araw, mula sa mga Diary interviews hanggang sa mga behind-the-scenes footage ng mga naging aktibidad ng grupo, tulad ng paggawa sa music video ng "Palusot Ko'y Maybe" at naging reaksyon nila nang unang masulyapan ang music video ng "365 Araw ng Eroplanong Papel".
Agad namang nagpasalamat ang mga fans sa mga bumubuo ng ICYMI para sa mga video na ito, lalo na't karamihan dito ay hindi pa nila nakita kahit na sa orihinal na bersyon ng documentary na inilabas noong nakaraang taon.
Makikita ang lahat ng mga video sa YouTube channel ng ICYMI (https://www.youtube.com/channel/UC5CA7Je0i8iLVc_pmee9ARA).
Schedule ng Virtual HSE, pinalawig
Inilabas na rin ng pamunuan ng MNL48 ang binagong schedule para sa nalalapit na High Tension Virtual Handshake Event (VHSE) ngayong Agosto.
Imbes na isang araw, pinalawig sa anim na araw ang VHSE na isasagawa sa unang pagkakataon. Ang bawat team ay bibigyan ng dalawang araw para sa kanilang sariling schedule. Sa inilabas na bagong schedule nitong nakaraang Biyernes (Hulyo 31), unang sasabak sa VHSE ang Team MII sa August 17-18, kasunod ang Team NIV sa August 19-20 at Team L sa August 21-22.
Mananatili pa rin ang "first come, first served" na patakaran ng VHSE at magsisimula ang pag-rehistro sa bawat araw nito sa ganap na ika-12 ng tanghali.
Comments