top of page
Lein Zar

THIRD GENERAL ELECTION: Maaabot na ba ni Brei Binuya ang kanyang mithiin?



Brei Binuya (Team NIV)

1st GE rank: 38th | 2nd GE rank: 20th

Kilala bilang "bully-lit" ng grupo, agad na tumatak si Brei Binuya sa mga fans ng MNL48 dahil sa angking galing niya sa pagkanta. Pero higit pa sa talento, agad ding napalapit ang lahat ng MNLoves sa “Chinita Diva” ng Tondo dahil sa kanyang simpleng pananalita, pagiging makulit at pagtayo bilang isang “senior figure” sa mga kapwa niyang miyembro.


Sa kanyang unang taon bilang miyembro ng grupo, bagama’t hindi pa siya nakapasok bilang isa sa mga miyembro ng senbatsu para sa unang single, pinatunayan niya ang kaniyang kakayahan at nabunga ito nang siya ay napasama bilang parte ng senbatsu para sa dalawang sumunod na mga single, ang "Pag-Ibig Fortune Cookie" at "365 Araw ng Eroplanong Papel." Napabilang din siya sa delegasyon ng MNL48 na ipinadala sa AKB48 Group Asia Festival noong Enero 2019 sa Bangkok, Thailand.


Dahil dito, umakyat siya sa Rank 20 at naging parte ng Undergirls noong ikalawang General Election nitong nagdaang taon. Mula dito, nagpatuloy ang pagpupursige ni Binuya upang maging kilalang miyembro ng grupo.



Patuloy na pag-unlad


Matapos ang ikalawang General Election, sumabak si Binuya kasama ng Undergirls para sa coupling song ng ikapat na single ng MNL48 na “Gingham Check”. Nasundan naman ito ng pagiging center niya para sa Team NIV song na "1! 2! 3! 4! Yoroshiku" sa fifth single kung saan nakatambal niya si Coleen Trinidad. Muli din siyang nakasama bilang isa sa mga delegado ng MNL48 para sa AKB48 Group Asia Festival noong Agosto 2019 sa Shanghai, China. Napipinto na rin ang pagbabalik ni Binuya sa senbatsu, ngayon naman ay para sa ikaanim na single nila na “RIVER” na kasalukuyang ginagawa.


Hindi lamang hanggang sa pagkanta at pagsayaw ipinakita ni Binuya ang kaniyang talento. Sumabak din siya sa pag-arte mula sa pagiging parte ng cast para sa pelikulang "Seikimatsu Blue" na kinunan sa Japan nitong nakaraang taon hanggang sa napili siyang maging bahagi ng musical adaptation ng sikat na 90’s youth-oriented show na "Tabing Ilog" nitong Pebrero.

Napukaw ni Binuya ang atensyon ng maraming fans matapos nitong subukan ang “ikemen” look kung saan naging inspirasyon niya ang sikat na AKB48 member na si Okada Nana.



Bukod pa rito, naipamalas din ang kanyang pag-galing sa pagsasayaw. Hindi rin naman kinalimutan ni Binuya ang kanyang talento sa pagkanta. Sa katunayan ay gumawa siya ng sariling YouTube channel nitong Hunyo kung saan siya nagpo-post siya ng iba’t ibang song covers, mula sa mga klasikong kanta hanggang sa mga kantang naging parte na ng mainstream. Kasalukuyang nasa 3,180 ang bilang ng kanyang mga subscriber sa channel.



Ayon sa administrator ng Breilievers at tagahanga ni Binuya na si Mavic Cano, mas nahubog ang pagiging “idol material” ni Binuya sa kanyang pangalawang taon bilang miyembro ng MNL48 at nagawa niya ito nang hindi isinisakripisyo ang ibang aspeto at talento kung saan siya nakilala. "Syempre, nandoon yung pag-improve niya. Sa pagkanta, tagos (pa rin) sa puso ang bawat kanta," sabi ni Cano.



Puspusang paghahanda


Patuloy na gumagawa ng hakbang ang Breilievers upang masuportahan si Binuya sa darating na ikatlong General Election. Inilunsad nila ang kanilang merchandise bundles noong Abril bilang pangunahing fundraising project.



May dalawang bundles na pwedeng pagpilian ng mga fans na naglalaman ng iba’t ibang fan-made merchandise mula sa keychains, purses hanggang t-shirts. Nagsimula rin ng sariling project ang ibang fans ni Binuya para makatulong sa pagbili ng voting tickets.



Isang matayog na mithiin


Inaasahan na ng marami na makakapasok sa senbatsu ngayong Third General Election si Binuya dahil sa kanyang tumataas na reputasyon. Ito rin ang hangad ng kanyang fans. "Malaki ang tiwala ko na makakapasok si Brei sa senbatsu. Think positive lang tayo," sabi ni Cano.


Nagpasalamat rin siya sa suporta na ipinapakita ng mga kapwa niyang mga tagahanga ni Binuya. "Maliit man o malaki ang kaya mong ibigay, napakalaking tulong na yun para kay Brei. It will always be worth it," dagdag niya.


Muling sasabak si Brei Binuya sa pangatlong halalan ng MNL48 bilang isang idol na lalo pang nahubog mula sa kanyang mga karanasan at tagumpay. Sinabi pa niya sa isang interview na ibibigay niya ang lahat ng upang makamit ang tingin niyang para sa kanya. Tanging ang resulta lang ang makakapagsabi kung maaabot na ng “bully-lit” ang kanyang matagal nang inaasam.


(may dagdag na ulat mula kay Kent Garcia)

137 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page