Abby Trinidad (Team NIV)
1st GE rank: 2nd | 2nd GE rank: 3rd
Ang pagkakatatag ng MNL48, ang mga aspeto ng popularidad at ang diskograpiya nito ay naging bahagi upang humubog sa pagiging idolo ng MNL48 ng 22-taon na si Abby Trinidad. Dahil sa kanyang pinalawig na pagkakilala bilang isang senbatsu sa lahat ng mga singles ng grupo, kinilala si Trinidad bilang isa sa mga miyembro ng prestihiyosong Trinity, at isang konkretong halimbawa bilang isang matatag na miyembro ng idol group.
Bukod sa pagiging miyembro ng lahat ng senbatsu ng MNL48, hindi na rin bago sa mga tagahanga ni Trinidad kung paano siya naging isa sa mga pangunahing miyembro na sumasalang sa mga pagsasapubliko ng diskograpiya ng grupo. Mula sa pagsali sa mga kilalang concert festivals hanggang sa pagiging host ng isang programa sa telebisyon na nauukol sa turismo, ang kanyang pagiging kilala sa parehas na mga tagahanga nito at mga tagamasid lamang ang humubog sa pagkaidolo ng miyembro ng Team NIV na tubong Bacoor, Cavite.
Ngayon at siya ay isa sa mga napiling kakatawan sa bagong kanta ng MNL48 na “RIVER” bilang Center, kasama si Gabb Skribikin, marami ang nagtatanong at nangangarap: itong eleksyon na ba ang magpapakita sa kaningningan at kadakilaan ni Trinidad bilang nangungunang kandidato?
Ang patuloy na pagkilala
Simula nang naitatag at nakilala ang MNL48 noong 2018, naging tanyag na si Trinidad sa mga tagahanga ng grupo, na siyang dahilan upang sungkitin niya ang ikalawang puwesto sa kauna-unahang pangkalahatang eleksyon ng MNL48. Siya ay isa rin sa mga nanguna sa mga maraming variety shows ng grupo noong panahong iyon, tulad ng I-School at MNLife. Bukod pa rito, naging parte rin siya ng kauna-unahang kanta ng MNL48, ang Aitakatta – Gustong Makita.
Bagaman bumaba ang kanyang ranggo sa pangatlong puwesto noong 2019, nakitaan ng mga oportunidad sa proyekto si Abby alang-alang sa mas lalong ikakikilala ng grupo. Sa madaling salita, siya ay isa sa mga orihinal na nangunguna sa tagapagkilala ng grupo.
Taong 2019 ay naging bahagi siya ng dalawang AKB48 Group Festivals, una ay ginanap sa Bangkok, Thailand noong Enero 27 at sa Shanghai, China noong Hulyo 29. Nang taong ring iyon ay nakitaan si Abby ng mas malaking oportunidad at naging tagatanghal ng Moshi Moshi Hokkaido, isang programang pangtelebisyon na inere sa TV5, kung saan pinapakita rito ang kagandahan ng isla ng Hokkaido sa bansang Japan. Ang nabanggit na programa ay inendorso ng Japan Foundation Manila at ginawa ng Hokkaido Television Broadcasting. Kasama niya rin sa naturang programa ang komedyanteng si Ya Chang.
Siya rin ay nakuha bilang isa sa mga aktres na gaganap sa pelikulang Seikimatsu Blue na ipapalabas sana sa Japan noong taong ring iyon habang napili siya bilang kinatawan ng MNL48 sa segment na “Sekai Senbatsu Special” ng programang Kouhaku Uta Gassen ng NHK, kung saan kasama ng iba pang mga miyembro ng AKB48 Group ay kinanta at sinayaw ang kilalang kanta na “Koi Suru Fortune Cookie”.
Itong taong ito ay naging malugod rin sa pagkakilala kay Trinidad. Bukod sa pagiging sentro ng kasunod na kanta ng MNL48 na “RIVER”, siya rin ay napili bilang bahagi ng musikal na bersyon ng palabas na “Tabing Ilog”, kasabay ng mga kasamahan niyang miyembro ng Team NIV na sina Belle delos Reyes at Brei Binuya.
Ngayon at mas nakita na ng nakararami ang mga oportunidad para kay Abby, hindi na rin bago sa mga tagahanga ng grupo na siya ay mananatili pa ring pangunahing kandidato sa nalalapit na Pangkalahatang Eleksyon. Bagaman inaasahan na ng nakakarami ang mataas na ranggo para sa kanya, ang mga tagahanga ni Trinidad, o ang mga “Abenusians” ay patuloy pa ring nagsusumikap upang mas makilala pa ng mga nakararami ang kanilang oshi sa nalalapit na eleksyon.
Sa perspektibo ng mga tagahanga nito
Sa mga nagdaang panahon ni Trinidad bilang miyembro ng MNL48, sumasang-ayon ang kanyang mga tagahanga na naging patuloy siya sa pag-unlad, mula sa kanyang talento sa pagkanta at maging sa personalidad niya.
Para sa kanila, naging pangunahing aspeto sa personalidad ni Trinidad ang pagiging prangka at tapat sa kanyang mga pagkukulang bilang isang idol.
“Nag-improve siya hindi lang sa singing at dancing, pati sa fanservice niya. Well, before aminado naman si Abby na singing is not her greatest suit, pero look at her now, dubbed as ‘Moira’ na siya ng MNL48. Saka tumataas na rin confidence niya about singing”, sabi ni Twitter user @purpleraine18, ang nangangasiwa sa opisyal na grupo ng mga Abenusians.
Ayon sa kanila, tila naging kaakibat na sa personalidad niya ang pagsusumikap na mas mapabuti pa ang kanyang pagiging idolo, at maging malinaw sa kanyang perspektibo sa katagumpayan ng kanyang mga ginagawa.
“First sa personality, we all know naman na 'no holds barred' talaga siya dati to the point na nakapagbitaw siya ng mga words like 'magsearch ka kasi' to their bashers.…the good thing is that hindi pa rin nawawala sa kanya yung braveness to stand and voice out her true opinion, making people realize how real of a person she is”, sabi ni Twitter user @FollowingMiyu, isa sa mga pangunahing miyembro ng mismong fan club.
Sa isang dako, dahil sa mga nakamit na mga oportunidad ni Trinidad, mas tiwala ang mga Pilipinong tagahanga niya na may posibilidad na mas makahatak pa siya ng mas maraming mga tagahanga, lalo ang mga taga-ibang bansa. Pero, may mga alinlangan rin sila na makakasuporta ang mga ito sa nalalapit na pangkalahatang eleksyon.
“I think mas narerecognized naman siya due to her international exposure, at kahit saan naman magpunta si Abby, lagi niya bitbit na pangalan ay MNL48, as a way to promote the group at hindi lang para sa name niya. Yes, somehow it do boost her popularity din naman. I do hope na this will bring in votes,” sabi ni @purpleraine18.
Ayon naman kay @FollowingMiyu, bagaman malakas ang karisma at hatak ni Abby, may agam-agam rin siya kung makakahatak ito ng mga dayuhang taga-suporta sa eleksyon.
“Abby must have gained some international fans because of all her exposure outside our country pero hindi lang ako sure if those fans are actually willing to spend and spare a vote for Abby in this coming General Election”, sabi niya.
Sa huli, bagaman may pangamba pa rin sa kawalan ng suporta mula sa mga dayuhang tagahanga, naniniwala pa rin ang mga Abenusians na gagawin nila ang kanilang makakaya upang mas lalo pang mapalawig ang mataas na ranggo niya sa grupo. Para sa mga tagahanga niya, maaring makuha niya ang ikalawa o ikatlong ranggo sa taong ito, pero mataas pa rin ang tsansa na kasama pa rin siya sa Kami 7.
Comments