top of page

Sa panandaliang paglisan sa fandom: isang perspektibo

Writer's picture: Teddy C.Teddy C.

Mahigit dalawang buwan simula nang lumisan ng panandalian ako sa fandom, maraming mga bagay ang aking napagtanto sa pagiging tagahanga ng MNL48. Mga halo-halong emosyon ng lungkot na di magiging malimit ang pagbibigay-pugay ko sa mga miyembro, ngunit kaakibat rin ang aking kasiyahan sa aking panunumbalik sa lupang kinagisnan.



Sa mahigit anim na buwan kong pagiging aktibo sa fandom, naging bahagi na ng aking pangaraw-araw na buhay ang pagsasagawa ng mga proyekto para sa pagpapakita ng pasasalamat at pagkilala sa mga miyembro ng grupo. Mula sa mga munting katatawanan, mga munting liham, tula, mga digital art hanggang sa pagiging pangunahing miyembro ng PAKSA MNL, lahat ng ito ay naging bahagi ng aking makulay na buhay bilang isang tagahanga. Para sa akin, ang mga likhang ito ay sumisimbolo sa aking pagpapakita ng kalikhaan at pasasalamat na nakilala ko sila.

Sa aking pagkilala sa MNL48, mas nadiskubre ko ang aspetong pagkamalikhain ko; ang isipin ang iba’t-ibang bagay upang maipakilala ang grupo sa iba’t-ibang medya. Naniniwala ako na dahil sa iba’t-ibang bagay na ito ay mas lalong nagiging malawak ang pagkilala sa grupo, at naipapakita ang mga talento ng mga tagahanga.

Bilang isang baguhang tagahanga na di pa nakaranas ng anumang MNL48 events tulad ng Hand Shake Event at mga theater shows, sa mga makata at masisining na mga gawain ko muna maipapakita ng husto ang aking pagkilala sa kanila.

Ngunit dahil nga hindi natin hawak ang kalooban natin sa ibang mga bagay, may mga pagkakataon na kailangan mong makiramdam sa kapaligiran at makiayon sa takbo nito.

Kaya heto, dalawang buwan na simula nang nag-anunsyo ako ng panandaliang paglisan sa fandom dahil sa kawalan ng malakas na connectivity sa probinsya ng Masbate, at mga iba pang gawain.

Sa aking panandaliang paglisan, una kong natutunan ang sakit sa pagkawalay sa fandom na kahit ano mang disrupsyon ang nangyayari, ito pa rin ang yumakap sa iyo bilang tagahanga, at nagpayabong sa iyong pagkilala sa grupo sa pamamagitan ng pagiging aktibo.

Ngunit sa gitna ng sakit na ito ay natutunan ko rin ang pagkakaroon ng kagaanan at lakas ng loob. Kagaanan at ang pagkakataon sa mga bagay na mahalaga ay mas mapagtutuunan ng atensyon, at lakas ng loob upang magnilay, mag-usig ng kaisipan at lumikha ng mga bagong ideolohiya upang sa iyong pagbabalik ay mas lalong mapapaigting ang iyong paghanga.

Sa huli, ang panandaliang paglisan ay paraan lamang ng iba upang bigyang lalim pa ang kanilang pagkilala sa MNL48, isipin na huwag makibaka sa mga naghahasik ng mga maruming propaganda at ituon ang pagkilala at paghanga sa pamamagitan ng mga likha, kapayapaan at pagkakaisa ng bawat tagahanga.

Kaya, sa mga tagahangang tila napapagod at natutuliro sa mga nangyayari sa paligid, huminto muna tayo panandalian, isipin ang susunod na hakbang upang sa ating pagbalik, mas maisasakatuparan natin ang ating legasiya sa fandom, ang ating mga likha at gawa, at ang ating busilak na pagsuporta.

Tayo ay laging babalik. Muling babalik.


DISCLAIMER: The views expressed in this article are those of the author and does not reflect the views held by the entirety of PAKSA MNL and fellow MNLoves.

55 views0 comments

Recent Posts

See All

Komentarze


bottom of page