top of page

Sa pang-isa o panglahat na suporta?

Writer's picture: Teddy C.Teddy C.

Updated: Apr 18, 2020

Ang isang aspeto na bumubuhay hindi lamang sa kabuuan ng pagkilala sa MNL48 kundi sa ibang grupong kahalintulad nito ay ang aspeto ng oshimen. Ang terminolohiyang ito ay ginagamit ng mga wota, o mga sumusuporta sa kulturang idol sa Japan. Para sa kanila, ang oshimen ay tumutukoy sa paborito mong miyembro ng isang idol group. Maaring isa, dalawa o marami ang iyong gusto, at dito umuusbong ang iba pang terminolohiya. Halimbawa na rito ang kami-oshi (pinakapaborito mong miyembro) at ang hako-oshi (lahat ng miyembro ay gusto mo).

Sa paglago ng bilang ng mga tagahanga ng MNL48 ay nagkakaroon ng maraming dibisyon na sumisimbolo sa kaibahan ng mga ideolohiya ng mga tumatangkilik rito, at partikular na ang usaping sino nga dapat ang sinusuportahan.

Sa matagal na panahon, maraming mga dahilan ang nagsipag-usbungan ukol rito. Ayon sa iba, mas nakabubuti kung isa lamang ang susuportahan dahil mas masusubaybayan mo ang paglago nito sa grupo. Ayon naman sa iba, ang pagsuporta sa grupo ay mas mainam dahil mas napapahalagahan nito ang tunay na pagkakaisa ng kada miyembro at mas makikita mo sa iisang aspeto ang pangkalahatang talento ng grupo.

Ngayon na nailahad natin natin ang buod ng usaping ito, bilang isang tagahanga ng grupo na bagong salta lamang, mas nakatuon ako sa gitnang bahagi nito.

Hindi natin mapagkakait na likas na sa sikolohiya ng tao ang tumatangkilik sa iilan o iisa. Ang tao ay likas na ang may paraan ng pagpili kung sino ang nagugustuhan at sa pagpili nito, dito natin mas maiuukol ng mahabang oras na suportahan ito. Likas na sa limitasyon ng tao ang bias, ngunit ang pagkiling na ito ay walang halong pagsasawalang-bahala sa iba. Unawain natin na tayo ay may mga pinagpipilian at ibang ideolohiya sa pagkilala sa iba.

Walang masama sa pagkiling sa iisang miyembro lamang dahil marahil ito ang naging pintuan nila upang tangkilikin ang MNL48, o marahil para sa kanila siya ang isa sa mga sumisimbolo ng MNL48, o marahil mas nakikita nila ang intensidad ng kanilang dedikasyon at talento kumpara sa ibang miyembro.

Sa kabilang dako, nakabubuti rin ang iyong pagkiling sa pagsuporta sa lahat ng miyembro ng grupo dahil mas nakikita mo ang bawat aspeto ng kanilang personalidad, abilidad at talento. Natututo ka rin kung paano maging bukas ang isipan sa kanilang dedikasyon bilang maging isang ganap na idol ng MNL48.


Sa mga nabanggit kong mga dahilan, naniniwala pa rin ako na nawa’y maging pantay ang ating pagtingin sa mga naturang ideolohiya. Bilang isang bagong miyembro, oo may kinikilangan akong mga ilang miyembro sa mga kadahilanang mas nananaig ang aking kaisipan sa mga aspetong humuhulama sa kanyang pagiging idolo, ngunit di ko rin nakakaligtaan at suportahan ang ibang mga miyembro: alamin kahit munting detalye sa kanila, kanilang mga munting hakbang upang mapabuti ang kanilang reputasyon.

Sa huli, ang MNL48 ay isang grupo: grupo na kung saan ang bawat miyembro ay may iba’t-ibang personalidad at talento. Ang suporta ay suporta, kahit sa iisa o iilan o sa nakararami. Hindi na mahalaga kung saan nakatuon ang iyong mata’t tenga: ang mahalaga ay ang iyong presensya at handang sumuporta.

Ang kanilang pagkakaiba ang lumilikha sa makulay at masigla na imahe ng MNL48. Sa kanilang mga susunod na mga hakbang, kung hindi natin maikiling ang sarili sa lahat, kahit papaano manatili nawa sa atin ang diwa ng pagkilala sa buong MNL48.


DISCLAIMER: The views expressed in this article are those of the author and does not reflect the views held by the entirety of PAKSA MNL and fellow MNLoves.

364 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page